Ako Nga (AKO)

Local | 0 comments

Paalala At Pasintabi

Ang lahat ng naisulat dito ay buhat sa aking karanasan sa grupong Ako Nga (AKO) partikular lamang noong taong 1979-1982. Hindi ko layon na siraan ang grupo kundi ipakita sa mga tao ang katotohanan sa kabila ng kasinungalingan. Gusto ko rin ipakita na maaari tayong maihahon sa ganitong paniniwala kung tayo lamang ay sasampalataya sa TUNAY na Salita Ng Diyos. Ang mga pangalan ng tao ay sa sadya kong inilihim upang pangalagaan ang kanilang pagkatao.

Panimula

Edad 14 pa lang ako noon nang magsimulang maghanap sa Diyos (1979). Ako ang pangalawang anak sa aming pamilya at tanging lalake. Katoliko Kandado ang aming pamilya pero bukas ang aming paniniwala sa mga bagay ng Diyos. Una kong narinig ang salita ng Diyos sa mga Sabadista nang sila ay magkaroon ng DVBS [1] sa aming lugar. Halos isang buwan kaming nag-aral ng salita ng Diyos at pagtapos noon ay binigyan kami ng Bibliya. First time kong magkaroon ng Bibliya kaya’t tuwang-tuwa ako noon. Naging aktibo ako sa pag-dalo hanggang sa ako ay magpatala na upang magpa-bautismo. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay hindi ako pinayagan ng aking itay na maging kaanib ng grupo na ito. Masama ang aking loob pero sinunod ko pa rin ang aking itay.

Pagsanib

Taong 1979 nang ako ay sumama sa AKO. Ginamit si Ate B. na mahikayat ako sa pamamagitan ng panggagamot niya sa isang babaeng nakukulam. Binigyan niya ako ng orasyon (“4 na M”) [2] tapos sabi niya isipin ko daw kung ano ang gusto ko at ito ang mangyayari. Tulad halimbawa kung gusto kong isipin na kutsilyo o itak at tsaka ko itataga sa nakukulam–yung mangkukulam daw ang masasaktan. Sa madaling salita, nakasama agad ako sa grupo dahil sa aking interest. May “ALAY” kaming tinatawag noon, kada ika-6 nang GABI. Yun bale ang parang mumunting misa na kung saan kami ay nagdarasal ng mga Latin at naglo-LORD’s supper.

Pagka-Alam Sa Pangalan

Dumating ang panahon ang mga magulang ko naman at mga kapatid ang nahikayat ko gayon din ang aking mga kamag-anak. Edad 14 pa lang ako noon pero matindi na rin ang “apoy” sa akin na nagu-udyok na magpatuloy sa paghahanap. Matapos ang 1 taon, natanggap ko ang PANGALAN na sinabi sa Lord’s Prayer na “Our Father, who is in heaven, hallowed be thy NAME…” Katulad din sa paniniwala ng mgaJehovah’s Witness partikular ang dating grupo sa pangalan na ito. Marami na rin akong nalamang mga orasyon na kung saan ay sinasaulo ko at dinadasal ang iba sa oras ng pangangailangan. Nanggagamot na rin ako sa amin–nanghihilot, nagtatawas, nagpapalayas ng mga masasamang espiritu tulad ng sa dwende, lamang-lupa, etc. Ako at ang aking kapatid na babae ay nakilala na rin sa amin lugar kaya lalung marami ang napunta sa bahay pero wala kaming sinisingil na kahit isang kusing.

Aralan Sa MIA-Road

May aralan kami noon sa MIA Road (tapat ng LTO ngayon sa Pasay). Tuwing linggo ang aralan at laking hirap din ang nangyari sa amin tuwing kami’y dadalo sa aralan. Ang bahay namin noon ay sa TRAMO, para maka-attend lang kami ay nilalakad namin yon mula sa aming bahay hanggang sa MIA Road. Laki kasi kami sa hirap kaya kahit pampasahe ay hirap namin na makuha. Masaya naman ang aming paglalakad kahit na naiinitan at pinagpapawisan basta ang mahalaga sa amin ay ang makarinig ng aral at makapag-ALAY (hango sa Roma 12).

Si Mang A. ang pinakamataas na pinuno ng grupo, samantalang si Mang P. naman ang pangalawang pinuno. Silang dalawa ang naging pundasyon ng aral ng AKO. Magkaklase sila sa “Agnus Dei” ito yung parang pinag-aralan nila na tungkol sa mga bagay spiritual. Ito lang ang nalalaman ko sa background nila pero nang lumaon ay nalaman ko rin na pinsan pala ni Nardong Putik si Mang A. at marami na siyang nalalamang mga orasyon noong panahon pa lamang ng giyera (WW2). Naalala ko pa nga si Mang A. nang minsan na magbida siya sa Tagaytay tungkol sa mga nangyari sa kanya noong panahon ng hapon. Marami daw siyang naligtasan na mga engkwentro (with matching MURA).

Si Mang A.

Si Mang A. ay isang malaking lalaki, siguro ang taas niya ay malapit na sa 6 na talampakan. Malakas ang “dating” niya sa mga tao, matindi ang personalidad niya–madaling makapagkumbinsi ng mga tao. Nalaman ko rin na marami pala siyang anak. Isa sa mga anak niya ay si Boy–isang trying hard na tumutulad sa tatay niya. Maraming tao ang naaasar sa kanya dahil sa kayabangan. Marami pa siyang mga kapatid na sumama rin sa Tagaytay at halos lahat sila ay may kani-kaniyang negosyo. Mayroong gumagawa ng mga alahas at medalyon, mayroong nagtitinda, at mayroong nagpapaupa ng bahay.

Si Mang P.

Si Mang P. ang pumapangalawa kay Mang A. Kabaliktaran naman ang kanyang personalidad kay Mang A. Siya ay malumanay na tao, mabait, at higit sa lahat, mayaman. Siya bale ang isa sa mga sumusuporta sa aming gawain. Maraming siyang negosyo sa Maynila at sa probinsya nila sa Iloilo. Siya rin ang may-ari ng lugar na pinagdarausan ng aralan sa MIA Road. Libre ang aralan na iyon at libre rin ang miryenda, katwiran nila dapat daw ipamahagi ang salita ng Diyos na libre. Sounds familiar?

Pangitain

May isa pang anak na dalaga (pa noon) si Mang A., ang pangalan niya ay si D. Siya bale ang nagturo ng lugar na yon sa Tagaytay sa pamamagitan ng “pangitain” o “vision“. May tinatawag kaming isang kaloob na makakita ng mga mangyayari sa hinaharap yung nga ang “third eye”. Siya ang nakakita kung ano ang mangyayari sa hinaharap (Marso 26, 1982). Magkakaroon daw ng matinding paglindol, ang buong Maynila daw ay lulubog sa tubig at tanging ang lugar lang na yon sa Tagaytay ang matitira at maliligtas ang mga taong nandoon. Pero bago pa yon, marami nang mga artikulong naisulat sa mga pahayagan sa Estados Unidos na kung saan hinulaan din na lulubog ang San Francisco sanhi ng isang napakalakas na lindol. Tapos may mga naglabasan din na planetary allignment na magaganap “daw” at ito ang magiging dahilan ng malakas na paglindol. Siguro dito nila binase ang hula nila na magaganap na malakas na lindol noong March 26.

Nagsimula ang pangitain na iyon, taong 1978 yata, at noong taon din na yon nagsimulang magtayo ng mga bahayan sa Iruhin St, Tagaytay City. Sa pagsali ko sa kanila noong 1979, naririnig ko na ang usapan sa aralan sa MIA Road ang tungkol dito pero hindi ko pa maintindihan hanggang sa sinabi na sa akin ni Ate B. na may mangyayari nga sa taong 1982. Pero malayo pa ang panahon na yon kaya hindi pa sila masyadong abala na pag-usapan yon. Patuloy ang aralan sa MIA Road, nagdaan ang maraming buwan at mga araw.

Pagtatayo Ng Bahay

Taong 1980 nang magtayo ng bahay doon sina Ate B. at ang kanyang pamilya. Ang mga bahay na natayo sa lugar na yon sa Tagaytay ay parang mga kabute na nagsulputan nang taong yan. Pero may sinusunod na yari ang bawat, dugtong-dugtong kasi ang pagkayari kaya ang dingding ng isa ay pwede rin na maging ding-ding ng isa. Isang kubeta sa isang bahay, bahala na kayong maghati-hati kung gusto na magkaroon ng mga kwarto. Kung malaki ang pamilya mga 2 units ang pwedeng upahan mo. Ang alam ko ng mga panahon na yon ay libre ang pagtatayo pero ang mga materyales at ang labor sa yo ang gastos. Sa tantya ko, ang isang bahay (1 unit) ay 4 x 5 metro kuwadro ang laki. Mayroong din mga bahay na naitayo sa gilid ng bangin, hindi na sinunod ang yari ng mga ito sa ibang mga units.

Papasyal-pasyal lang ang pamilya ni Ate B. doon sa Tagaytay simula nang nagka-bahay sila. Nagtayo din ng tindahan at maliit na bakery doon sina Ate B. May mga aralan na ginaganap sa Tagaytay tuwing Linggo at paminsan-minsan ay nakakasama ako at ang aking kapatid (1980). Uso pa doon ang kantahan pagtapos ng aralan kaya ang kapatid kong babae ay laging napapakanta.

Pag-Aantay

Tuloy ang aralan sa Maynila at sa Tagaytay. Patuloy din ang pag-iipon namin ng mga orasyon at kung anu-anong mga panalangin. Ang kaligtasan na pinangangaral namin ay tungkol sa Pangalan at ang pagkilala sa sarili. Naging basihan namin ang 1 Cor. 11:31, “Kung ating kikilalanin ang ating sarili, tayo’y hindi hahatulan…” Sa panahon ngayon, nakita ko na mali pala ang pagkagamit nila ng talatang ito. Dapat daw kilalanin si AKO na nasa bawat tao, yung inner man o yung EGO. Kaya nga sa Latin ang palagi naming sinusulat sa mga dingding ng mga miyembro bilang palatandaan ay “EGO SUM QUI SUM“.

Pagtigil Sa Pag-Aaral At Pagtira Sa Tagaytay

Panahon ng Disyembre 1981 nang ako ay magpasyang itigil ang aking pag-aaral at umakyat na sa Tagaytay. Third-year high school ako noon nang ako ay umakyat. Matapos ang bakasyon nung kapaskuhan, hindi na ako nagpatuloy sa pag-aaral. Pero nang bandang March, 81 pinasya ko na bumalik sa pag-asang papasa pa kahit sa ibang mga subjects. Mataas naman kasi ang marka ko noon sa klase kaya naipasa ko maliban sa Geometry at Statistics. Pagkatapos noon tutal doon na ako sa Tagaytay tumira, nagpaalam ako sa mga magulang ko at sabi ko mag-aaral na lang uli ako kapag hindi nangyari ang inaasahan namin.

Nagtrabaho ako sa Tagaytay bilang isang panadero at nakitira ako kina Ate B. Doon na rin ako natutong magmasa ng tinapay. Sweldo ko yata noon 90 Pesos kada linggo, tapos binabaan sa 75 Pesos kada linggo na lang, libre lahat.

Mga Libro At Orasyon

Nang mga panahon na yon bukod sa pagmamasa, patuloy pa rin ako sa pag-iipon ng mga libro. Marami kaming mga libro na ginagawa tulad ng Combate Spiritual28 FamillaresTarotEl NinoLa NinaAtardar, atbp.  May ginawa pa nga akong panyo noon na 7 Virgines ng Atardar. Dinadasalan ko gabi-gabi upang magkabisa. Hindi ko na alam kung saan napalagay yon, marami kasing humihiram noon eh lalu na sa amin kapag may mga taong may sakit. Ewan ko, masyado silang bilib doon.

Nagtataka ako sa sarili ko kung paano ko nagawa ang napakaraming libro sa pamamagitan lamang ng sulat kamay. Hindi pa uso ang computers noong panahon na yon kaya ang gamit namin ay sulat kamay–minsan gumagamit kami ng mga stencil para mas mapadali ang pag-gawa namin. Ang sabi ni Mang A. yon daw ang bale ibibigay namin sa susunod na henerasyon kung sakaling maliligtas kami sa pag-gunaw. Kaya yon ang naging inspirasyon namin sa pagsusulat bukod sa gusto rin naming matuto ng maraming mga lihim. Payo ng matanda (Mang A.) kapag magsusulat daw kami ay dapat na may tirik ng kandila at magdarasal daw muna kami, ewan ko kung anong dahilan–siguro para mas lalung maging mabisa.

Nakakatawang isipin na sa kabila ng kaseryosohan naming gumawa ng mga libro, maraming kasama namin ang mga kumukuha ng mga libro ng walang paalam. Yung iba kasi ginagawa nila yon para mahigitan nila ang iba sa dami ng librong nagawa. Mahirap kasi makakuha ng mga kopya, dapat may kadikit ka na “mataas ang aral” para makakuha ka ng mga gusto mong libro. Kung wala kang kadikit pasensya na lang at aabutin ka ng siyam siyam sa paggawa mo ng libro.

May tinatawag kaming libro na “BIHIS.” Hango ito sa Efeso 6:11 na sinabing magbihis ng buong kagayakan. Ang galing talaga nilang mag-interpret ano? Ang galing magbaliktad ng salita ng Diyos. Mga salitang Latin ito na sinasambit namin para magkaroon daw kami ng BIHIS na ito na kung titignan daw sa spiritual realm ay makikitang para kaming isang hari. May setro, korona, sinturon, panyapak, kalasag, atbp. Panlaban daw ito sa mga masasamang espiritu na aali-aligid sa atin. Isang kabaligtaran sa sinasabi ng Bibliya na Salita ng Diyos ang ating armas laban sa mga masasamang espirito.


Notes:

  1. Ang DVBS ay acronym ng Daily Vacation Bible School.
  2. Orasyong parang krus ang porma.

Explore More

Unification Church

Burdened To Witness To A Unification Church (Moonies) Member Hello there! I just want to request that you make a study or at least post information about the Unification Church. In case you are not aware, this cult is all over the place. They have an office here is...

read more

The New Life Mission

The Gospel of Paul C. Jong and The New Life Mission by Justyn M. The Christians in the Philippines were surprised and shock to know last September 2001 during “2001 Philippines Church Leaders’ Conference and Crusade with Rev. Jae-Rock Lee” that they...

read more

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *